Home » , » International Sensation David Archuleta Bibida sa 'Nandito Ako' ng TV5

International Sensation David Archuleta Bibida sa 'Nandito Ako' ng TV5

Written By Showbiz's Intriga Staff on Saturday, February 4, 2012 | 11:07 PM

International Sensation David Archuleta Bibida sa 'Nandito Ako' ng TV5


Sa tradisyon ng paghahatid ng mga de-kalidad na mini-serye, inihahandog ng TV5 ang pinaka-aabangang programa sa primetime, ang Nandito Ako, na kinatatampukan ng international Kapatid star na si David Archuleta, katambal ang dalawa sa pinakamagagandang prinsesa ng Kapatid Network na sina Jasmine Curtis Smith at Eula Caballero. Sa direksyon ni Mac Alejandre, magsisimula ang seryeng naglalahad ng napakagandang kuwento ng pag-ibig sa Pebrero 20 (Lunes) sa TV5 primetime.


Nauna nang inihatid ng TV5 ang mini-serye format noong nakaraang taon sa paghahandog nito ng pinag-usapang Sa Ngalan ng Ina tampok ang nag-iisang Superstar na si Ms. Nora Aunor. Ngayong 2012, isang mini-serye ang inaasahang pupukaw sa atensyon ng mga batang manonood pati na rin ng buong pamilya.

Bukod sa tatlong kabataang bida, itinatampok din ang malalaking pangalan sa industriya kabilang sina Gelli de Belen, Aiko Melendez, at ang nagbabalik Pilipinas na si G Tongi. Aminado si G Tongi na ang proyektong ito ang nagpabalik sa kanya sa bansa matapos ang ilang taong pamamalagi sa Amerika.

Lalo naman minahal ng kanyang mga tagahanga rito at sa iba’t ibang parte ng mundo ang American Idol Season 7 runner-up nang marinig ng mga ito ang pagkanta ng international singing sensation ng theme song ng Nandito Ako na nilikha ni Aaron Paul del Rosario at pinasikat nina Ogie Alcasid at Lea Salonga.

Kung pagbabasehan ang pagtanggap ng publiko sa mga karakter ng mini-serye sa Twitter na makailang beses din naging trending topic at ang ’di mahulugang karayom na mga mall show ng cast, inaasahang magiging top-rating show ng TV5 ang Nandito Ako.

Ibabahagi ng Nandito Ako ang kwento ng pag-iibigan sa pagitan nina Josh (David Archuleta), Holly (Eula Caballero) at Anya (Jasmine Curtis Smith). Habang nasa Pilipinas upang idaos ang huling serye ng kanyang concert, hindi inaasahang magbunsod ang byaheng ito upang matuklasan ni Josh ang kanyang tunay na pagkatao na matagal na rin niyang hinahanap. Makikilala niya si Holly sa isa sa mga promotional activity ng kanyang concert at doon magsisimula ang pagtitinginan ng dalawa. Ngunit dahil sa hindi maiwasang pangyayari maglalayo ang landas ng dalawa at mapapalapit si Josh kay Anya, ang boyish na bestfriend ni Holly. Sa takbo ng mga pangyayari, kay Anya na kaya mababaling ang pagtingin ni Josh?

Makakasama rin sa Nandito Ako sina Alwyn Uytingco, Ana Capri, Mon Confiado, Ana Feleo, Joseph Bitangcol, RS Francisco, David Bianco, Byron Ortile, at Ms. Perla Bautista.

Huwag palalampasin ang unang episode ng pinakabagong mini-serye tampok sinaDavid Archuleta, Jasmine Curstis Smith at Eula Caballero simula Lunes (Pebrero 20) pagkatapos ng Wil Time Bigtime sa TV5.
Share this article :

Post a Comment

Visitor's

 
Support : Creating Website | Johny Template | Mas Template
Copyright © 2013. Showbiz Intriga - All Rights Reserved
Template Created by Creating Website Published by Mas Template
Proudly powered by Blogger